‏ Psalms 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

1O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
2Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
3Napakarami ng aming kasalanan,
ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
4Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
ang inyong banal na templo.
5O Dios na aming Tagapagligtas,
tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
6Itinatag nʼyo ang mga bundok
sa pamamagitan ng inyong lakas.
Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
7Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
ang hampas ng karagatan,
at ang pagkakagulo ng mga tao.
8Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
Mula sa silangan hanggang kanluran,
ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
9Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
Ganito ang itinakda ninyo.
10Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim
pananim: sa literal, butil.
ang makikita sa kapatagan.
Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.
Copyright information for TglASD